Archive for October 12th, 2008
Anak ka ng Hostess
Simula pa ng pagkabata ay bantog na sa aming munting barrio na si Kimuchi ay isang anak ng hostess at hanggang duungan lang daw ng barko sa may US Naval Base ang naabot ng tingin ng aking mahal na ina ng umalis ang aking ama na tuluyan ng hindi bumalik ng nag “Sayonara”
Hindi lang si Rose na star ng mananayaw ang nalumbay sa pag “Good Bye my Love” ng very big and very long na barko ng US Navy ng Hapon. Isa, dalawa,tatlo, apat, hanggang sa umabot na sila ng libo ang Rosang may tangan ng panyo na iniwawagay sa kanilang mga palsong irog na ng “Adios my Love, I’ll wait for you in America” Hmmmppp,Tsup! Tsup! Tsup!… Hangang sa tuluyan ng naglaho ang mga barko na sinakyan ng aking amang matangos ang ilong. Nag-iiyakan na rin ang mga pinabrika nilang mga bata sa pier ng Gapo at nagtatanong sa musmos nilang isipan, “Daddy, when are you coming back?”Mga iba ay natutuwa lalo na iyung mga naubuso nila. “GI don’t come back” Just send us dollars. Haaay buhay parang life talaga.
Hindi dinibdib ni Rose ang pagkawala ng aking ama kahit na batid kong nasaktan ang damdamin niya at nag-iwan pa ng pabigat na padededehin.Mabuti na lang at ako lang mag-isa, di tulad ng Ninang ko na lahat yata ng klaseng lahi ay nagpa-breeding.
Those old good days are over at nagpasiya si Rose na magbalikbayan sa probinsya, habang ako naman ay kanyang bibnibreastfeed sa sinasakyan ng Victory Liner at binubusuhan ng conductor at katabi niyang pasahero sa upuan.Kahit lumuwa pa ang kanilang mata na naka laser sa suso ni nanay ay bale wala na sa kanya,sana’y na yata siya at iyun ang pinagpipistahan ng mga manyakis sa club. Hindi na nila kailangan bumili ng ladies drinks para nakawan ng sulyap ang dating masigla at tayong suso niya na magsisimula ng lumaylay sa kadedede ko.Nagtitipid ang nanay ko, Ano ba kayo? Wala na siyang kikitaing dolyar pambili ng Similac formula. Pagdating namin sa probinsya hindi na gaanong masasaid ang dibdib ni nanay at manunumbalik sa dating susong dalaga.May dalawang baka at isang kalabaw si lola kahit isang galon na fresh milk pa ang sususuhin ko.
Tuwang-tuwa si Lola Ensiang ng una niya akong makita napakagandang “baby doll” daw na gumagalaw at humihinga, di tulad ng manika ni Nana Mitang na tinutusok niyang emberdible at karayom na ikinagagalit naman ni albularyong Isko kapag ayaw na niyang tusukin,wala na siyang tatapalan ng dahon ng banaba. Nagpaturo pa siya sa inaanak niya sa binyag na maestra ng english para ako’y kanyang ihili at ayaw padapuan sa langaw at lamok.Pati sa lolo kong hikain ay ayaw niya akong ipakarga at ipahalikan magagasgas raw ng kanyang balbas ang aking kutis. Ang dating matamis na pagmamahalan nila na niluma ng panahon kahit na minsan hindi sila nag-away at nagkasagutan,ng ako ang dumating madalas na silang nagtatalo at ako ang kanilang pinag-aagawan.Kahit na malayo sa bahay kubo namin ang inaararong bukid ni Lolo Pendoy ay bumbalik siya kapag narinig na niya akong umiyak at iuugay-ugay sa ginawa niyang rattan na duyan.
Nagkaroon na ng panahon si nanay at bumalik na ang dating lantak niya na Rosa sa kanyang hilig sa pananahi ng uniforme ng mga nag-aaral sa high school, mga suki niyang nagpapatahi ng mga bestida,pang kasal at pati na rin susuutin ng patay na may kaya.Kumuha kasi siya ng dressmaking sa Guzman Institute at mayroon siyang diploma na nakalaminate na nakasabit naman sa sawali ng maliit na sala at kapag umuupo ang mga bisita sa bangkong kawayan sa diploma ni Rosa sila nakatingin.Iyung ang tanging ipinagmamalaki niya na mayroon siyang natapos.Ng dahil sa kursong iyun ay magaang ang pamumuhay namin.Pinatigil ni nanay si Lolo Pendoy sa pag-aararo at kasya na namin pang gastos sa araw-araw ang kinikita sa pananahi ng trahe de boda ng nobya. Halos lahat ng ikakasal sa simbahan siya ang nananahi.Minsan nasilip ko si nanay na umiiyak habang isinusukat niya ang pinakamagandang obra niyang trahe.Sa tuwing siya ay nalulungkot ganoon lagi ang kanyang ginagawa na nagpapasaya sa kanya. Naitanong ko tuloy kay lola ng mga limang taon na ako kung nasisiraan na ba ng bait ang aking mahal na ina.
Itutuloy
23 comments October 12, 2008